XVI
Nagtungo kame sa labas ng Quezon City Hall of Justice upang mag-jail visitation sa Molave Youth Center. Ilang hakbang lamang ito sa Hall of Justice. Bago kame umakyat sa piitan ng mga kabataang delingkwente ay tinatakan kame sa kanang kamay ng stamp na nagsasabing “BMJP-MYH VISITOR.” Hindi ko akalain na maliban sa tinta na kulay violet ang tumatak sa aking balat, isang pagtawag ng tulong ng isang bata ang tumatak at kumintil sa aking kaluluwa.
Pagpasok mo sa Youth Center, maamoy mo na ang init, singaw at pawis. Sama-sama sa loob ng kulungang mas maliit pa sa kwartong pang-opisina ang mahigit 30 kabataan. Sa kabilang dako, mas kakaunti ang mga nakakulong na kabataang babae. Unang punta ko sa kulungan ay nuong first year college ako sa AB, sa New Bilibid Prison, kung saan nagtungo kame dun bilang requisite sa subject naming sociology. Ngunit dito, makikita mo ang kaibahan. Miserable, maayos subalit nakalulumbay. Nakakaubos ng pag-asa at saya. Sa hangin pa lamang ay mararamdaman mo na ang pangangati sa katawan. Sanhi siguro ito ng paranoia ng elitismong nakasanayan. Kame, na mga mag-aaral ng batas sa pinakamatandang Universidad sa Asya, nakakakain ng maayos, may pinag-aralan at dekorum, namumuhay ng maayos kundi man marangya. Subalit dahil sa kakaibang karanasan na ito, mararamdaman mo ang isang katotohanan ng buhay na alam lang natin bilang isang soap opera o nakikita sa mga dokumentaryo, nababasa sa pahayagan o aklat.
Naparuon kame upang mag-interview ng mga kliyente na ang mga kaso ay nakahain na sa RTC Branch 225 at 94. Lahat ng mga kliyente ni Atty. Glenda, ang aming supervisor, ang aming iinterview-hin. Dalawa ang ininterview ko, dalawang kabataan na hindi ko na maalala ang pangalan ngayon. Nananatili akong propesyunal sa mga oras na iyon. Isinusulat ko sa report sheet kung ano ang krimen na ginawa, kung ginawa nga ba nila, kung nung hinuli ba sila ay may probable cause o warrant o ibinigay ba sa kanila ang mga karapatan habang iniimbestigahan. Sa dalawang ininterview ko, malinaw ang special affirmative defense. Violation of the custodial rights. Lack of warrant of arrest, lack of personal knowledge of the offense by the arresting officer. Sa korte, motion to dismiss lang yun, tapos na ang kaso. Hindi na kelangan ng kabuuang trial, magkaruon lang ng testimonya sa mga naganap na pag-aresto.
Natapos na ako sa pag-iinterview. Si Ronador, ang aking kaklase at kasamahan sa OJT ay hindi pa. Sa tabi ng iniinterview niyang bata ay may nakatabi pang isang bata. Tinanong ko siya kung tapos na siyang interview-hin. Hindi daw siya mag-papa-interview, kundi kakausapin lang niya si ma’am Glenda. Umalis na ko at nalakad-lakad, inuusisa ang mga sulok at arkiterktura ng Youth Center. Isang kulungang nagkunkunwaring bahay-pag-asa. Isang pag-asang napupupukaw bawat araw habang dinidinig ang mga kaso.
Lumapit sa akin si Sarjay. Si Sarjay ay 16 anyos na binatilyo. Mukhang nag-aaral ng pribadong paaralan. Siya yung batang gustong kumausap kay Atty. Glenda.
Isa siyang bastardo. Pagkatapos mabuntis ang kanyang nanay, iniwan siya ng kanyang tatay. Mahirap lamang sila.
Ang kaso ni Sarjay --- theft. Isang felony na may pataw na parusang reclusion temporal, prision mayor, prision correccional, arresto mayor at arresto menor, depende sa halaga ng bagay na ninakaw.
Tinanong niya sa akin kung ano ang probation. Sinabi ko na ang probation ay binibigay lamang kung na-sentensiyahan na siya, kung ang parusa ay hindi hihigit ng anim na taon. Ibig sabihin ay makakalaya siya, subalit kelangan niyang mag-report sa isang parole officer depende sa mga kundisyon na iniatas, at sa loob ng panahon ng probation, hindi dapat gumawa ng anupamang krimen.
Hindi pa siya na-sesentensiyahan. Binasahan pa lang siya ng sakdal, o ang proseso ng arraignment. Kung saan tatanungin ng korte ang akusado ng “HOW DO YOU PLEA?” At sasabihin ng akusado ang “GUILTY” “NOT GUILTY” o “NO PLEA”
Sinauli ni Sarjay ang bagay na ninakaw niya. Isang beses lang siyang gumawa ng bagay na labag sa batas. Kinulong siya sa presinto bago siya dinala sa Youth Center.
Si Sarjay ay ginagamit ng mga nakakulong sa presinto. Ni-re-rape. Binubugbog.
Sa loob ng Youth Center ay kusa na siyang nag-vo-volunteer upang gumawa at tumulong sa mga Gawain tulad ng paglilinis, paghahanda ng pagkain at kahit ano pa, huwag lamang siyang maisama sa mga ibang kabataan sa loob ng selda. Kahit ayaw na siyang pagawain o utusan, kusa na lamang siyang tumutulong upang makalayo sa pambubugbog at pangungutya ng mga kasamahan.
Binibisita siya ng nanay niya isang beses isang linggo, subalit ngayon, medyo matagal ng hindi bumibisita ang nanay ni Sarjay. Hindi sila pwedeng gumamit ng telepono.
Umiiyak siya habang kinukwento niya sa akin ang mga bagay na ito. Hindi na niya kaya ang nararanasan niya, at maging ako man, na wala pang isang oras sa loob ng Center ay gusto ng umalis at maligo na para bagang lahat ng sala at dungis ay dumikit na sa balat ko.
Lumabas si Atty. Glenda at tinanong ko siya kung ano ang sinasabi ni Sarjay na probation. Yun pala release on recognizance ang dapat.
Ang release on recognizance ay mosyon na inihahain sa korte upang pansamantalang lumaya ang isang akusado habang dinidinig ang kaso. Kung hindi makapag-post ng bail, cash bond, property bond o corporate surety, ang akusado ay pinapalaya pansamantala at inilalagay sa pangangalaga o kustodya ng isang opisyales tulad ng barangay captain, kagawad, mayor, o maging isang taong kilala at may maayos na reputasyon sa lipunan.
Ito ang kelangan ni Sarjay. Nakagawa na ako ng mosyong ito. Sa pamamagitan ng panulat ko, kaya kong bigyan ng kapayapaan si Sarjay. Di tulad ng dalawang kabataang ininterview ko na hindi tumitingin sa aking mata, si Sarjay ay nakatingin sa akin, pinipigil ang luha. Nakikita ko sa kanya ang sinseridad at pagsisisi. Meron pa siyang kinabukasan. Kelangan lang niya ng pagkakataon.
Humingi siya ng pabor sa akin na kung maari ay tawagan ko ang nanay niya. Binigay ko ang bolpen ko at isinulat niya ang telephone number nila.
Dalawang pirasong papel ng mosyon at sinumpaang salaysay lamang ng kagawad na nakakakilala sa kanya ang kelangan ko upang magawa ang Motion to Release on Recognizance. Sa pamamagitan nito, kaya ko siyang palayain. Maisulat ko lang iyon, ibibigay ko na sa supervisor ko upang i-file sa korte. Di malayong pagbigyan ito, dahil liberal ang mga RTC na family court sa mga kabataan.
Makakalaya si Sarjay habang dinidinig ang kaso niya. Mabibigyan siya ng tsansang mag-bago, mag-aral, maramdaman ang buhay ng normal na kabataan.
Minsan sa buhay ng isang tao, mayruong isang estrangherong lalapit sa iyo upang humingi ng tulong. Hindi mo siya kilala, hindi mo kaibigan, hindi mo mahal sa buhay. Hindi bahagi ng trabaho mo ang tulungan siya. But sometimes, compassion compels you to desire to help complete strangers. Sa maikling panahon na nilagi ko sa loob ng PAO, nararamdaman ko kung sino ang talagang nangangailangan ng tulong, at kung sino lamang ang dapat gawan ng mga dokumento dahil bahagi ito ng trabaho ko. Pero sa pagkakataong ito, kelangang kong mapalaya si Sarjay. Wala na akong ibang magagawa, kundi tawagan ang nanay niya, at sumulat ng mosyon at affidavit. Sa munting paraan ko na ito, mapapalaya ko ang batang ito.
Lalaya si Sarjay. Hindi siya makukulong ng matagal.